Halos labingwalong taon na rin akong naninirahan sa mundong ito. Sa loob ng panahong ito, nagawa ko nang makisalamuha sa iba’t –ibang uri ng tao mayroon sa aking paligid. Nagawa ko na ring mamasyal sa iba’t –ibang lugar dito sa Metro Manila at sa ilang karatig –probinsya. Bukod dito, nagkaroon na rin ako ng mga bagay na animo’y kabute na bigla na lamang susulpot mula sa kawalan at gagawa ng pangalan sa ating bagong henerasyon. Sa tantiya ko, maaari ko nang ipagmalaki sa iba na ang eksistensya ko dito sa mundong ibabaw ay naging makabuluhan na dahil na rin sa mga materyal na paraan na nakapaghatid naman sa akin ng imateryal na karanasan.
Pero hindi ako materyalistik na tao, ‘ika nga ng mga taong lubos na nakakakilala sa akin, mababaw raw ang aking kaligayahan. Masaya na ako sa mga simpleng kabutihan na nagawa sa akin ng ibang tao, pero lalong mas masaya ako kung ako naman ang nakagawa ng kabutihan sa iba. Kung mayroon man akong pinapahalagahan na mga bagay, karamihan sa mga ito’y nagdulot sa akin ng saya at mga karanasan na hindi ko makakalimutan.
1. Ang aking higaan – Sa araw –araw na ginawa ng Poong Maykapal, palagi na lamang akong nakakaranas ng kapagalan. Palagi na lamang tambak ang aking mga gawain sa paaralan. Pero nauunawaan ko naman kung bakit ganoon na lamang kung bigyan kami ng mga pagsasanay, at iyon ay para lalo pa naming mapaghusayan ang aming napiling propesyon, ang pagsusulat. At sa bawat pagtatapos ng isang araw ng mga gawain, nariyan palagi ang aking higaan para saluhin ang aking katawan at para na rin mabigyan ko ang aking sarili ng matiwasay na oras para makapagpahinga. Kapag ako’y nakapagpapahinga sa aking higaan, ako’y lubusang nasisiyahan.
2. Netbook –Trendy ka kapag mayroon kang netbook, pero hindi ito ang aking dahilan kung bakit nasabi ko na ito’y isa sa mga bagay na nakapagpasaya sa akin. Ang pagkakaroon ko nito ang nagbigay daan sa aking mga ideyang nakaimbak sa aking isipan upang mabasa ng lahat, at kung maaari, ay kapulutan din ng aral ng iba. Sa pamamagitan din nito, nailalabas ko ang aking mga saloobin na hindi kayang imutawi ng aking bibig.
3. Sapatos –Maski anong klase ng sapatos ang mayroon ako, masaya na ako. Hindi ako mahilig tumingin sa brand name sapagkat ang mahalaga para sa akin ay masapinan ang aking mga paa na kaagapay ko para makarating ako sa iba’t –ibang lugar.
4. Bag –Ayoko sa lahat ay kung pumapasok ako sa aming paaralan na kulang –kulang ang aking kagamitan. Kalimita’y hindi nabubuo o hindi nagiging maayos ang aking araw kung saka –sakali man na may maiwan akong kagamitan. Dahil dito, talagang mahalaga sa akin ang aking bag, at kapag dala –dala ko palagi, alam ko sa sarili ko na wala akong nakalimutan, at dahil doon, masasabi kong masaya na ako.
5. Cellphone –Para sa akin, mahirap mabuhay sa loob ng isang araw kung walang cellphone. Isa itong kagamitan na itinuturing ko rin na karugtong ng aking buhay. Medyo abala kasi akong tao, at kapag wala nito, pakiramdam ko’y pilay ako. Bukod doon, ang cellphone ay isang midyum para sa akin upang maidugtong ko ang aking sarili sa mga taong mahahalaga sa akin, mapasaaan man sila naroroon.
6. I.D. –Nagtataka ang karamihan sa aking mga kamag –aral kapag madalas kong suot ang aking school I.D., sa kolehiyo kasi, parang naging ‘trend’ na ang hindi pagsusuot nito, dahil ayon sa kanila, tanging mga nasa elementarya at hayskul lamang uso iyon. Pero ako, mas gusto ko suot –suot ko ang aking school I.D. sapagkat ito lamang ang nagpapatunay na isa akong estudyante na hindi kailanman nagbago ang pananaw ukol sa pag –aaral magmula nang ako’y unang mag –aral. Ito rin ang nagpapaalala sa akin na minsan ko nang nalagpasan ang mga hamon noon sa aking buhay.
7. Pahayagan¬ –Ang pahayagan ang naging isa sa mga kaagapay ko para makasunod sa kung ano ang ‘uso’ o napapanahon sa kasalukuyan. Sa aking napiling propesyon, ang pagiging ‘updated’ sa mga balita sa kasalukuyan ang isa sa mga pangunahing sangkap ng aming pagtatagumpay. Kaya sa aming paaralan, naging tambayan ko na ang aming Filipiniana library dahil dito ako kadalasang nagbabasa ng iba’t –ibang pahayagan. Ang nilalaman ng isang pahayagan ay nagsisilbing nutrisyon sa aking utak na kapag nalalamnan naman ay nagdudulot sa akin ng kasiyahan.
8. Relos -“Relos sa aking kamay, lagi kong titignan, upang hindi mahuli sa pinapasukan.” Ito ang palaging nasa isipan ko magmula ng ako’y nasa mababang paaralan pa lamang, mahalaga sa akin ang relos (miski ang orasan sa dingding) sapagkat ito ang nagsasaad sa akin ng oras, at umaagapay sa akin upang magampanan ko lahat ang aking gawain sa tamang oras. Masarap kasi sa pakiramdam kapag natatapos ko sa itinakdang oras ang isang bagay na iniatas sa akin para gawin.
9. Panyo¬ –Normal naman sa isang tao lalo na sa isang babae ang pagdadala ng panyo sapagkat nangangahulugan ito ng pagiging malinis sa katawan. Ngunit sa akin, ang panyo ay isa lamang munting tela na naririyan palagi sa aking bulsa upang bigyan ako ng kapanatagan ng kalooban sa tuwing ako’y nalulungkot at nag –iisa.
10. Rosas –Sa totoo lang, isang beses pa lamang ako nakatanggap ng rosas sa tanang buhay ko, at ito’y naganap noong nakaraang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso. Lubos akong nasorpresa ng bigyan ako ng aking minamahal ng rosas. Iyon ang kumumpleto hindi lamang sa espesyal na araw na iyon kundi pati na rin sa pagiging dalaga ko. Hanggang ngayon, nakatago pa rin ang mga talulot ng rosas ng kanyang ibinigay sa akin.
11. Graduation picture – Isa sa mga nakapagpasaya sa akin ay ang litrato ko noong ako’y magtapos sa elementarya. Sa tuwing tinitigan ko iyon, parang nais kong bumalik sa pagiging bata, pakiramdam ko kasi napakaganda ko pa at napakaamo pa ng mukha ko noon. Wala pa akong iniintindi problema noong mga panahong iyon, tanging ang nasa isip ko lamang ay mag –aral ng leksyon.
12. ALS Score Card –Hindi ko alam kung score card nga ba ang tawag doon, pero ang ALS o Alternative Learning System ay isang programa ng ating pamahalaan para sa mga lahat ng Pilipinong nais makapagtapos ng pag –aaral kahit na nalipasan na sila ng panahon. Kanina, nabanggit ko na ang college I.D. ko ang nagpapaalala sa akin na minsan ko nang nalagpasan ang mga hamon sa aking buhay. Sa totoo lang, karugtong ito doon sa sinabi kong iyon. Nakapagtapos ako ng hayskul dahil na rin sa ALS, pero hindi ako nahuli ng taon sa pag –aaral. Nagkataon lamang na nagkaroon ng problemang pinansyal ang aming pamilya ng mga oras na iyon, at napilitan akong huminto sa pag –aaral. Ngunit dahil sa matindi kong hangarin na makapagtapos sa takdang oras, sumailalim ako sa programang ito na siya ko naming napagtagumpayan.
13. Sertipiko mula sa aming leadership training –Nitong nakaraang Pebrero ay nagdaos ang aming paaralan ng isang leadership training kung saan ang mga kalahok ay mga piling mag –aaral na nasa kanilang huling semester sa NSTP (National Service Training Program) kasama na rin ang mga instructor ng NSTP sa aming paaralan. Sa tuwing tinitigan ko ang sertipikong nakuha ko mula sa paglahok dito, palagi akong napapangiti at tinatanong ang aking sarili kung paano ko nalabanan ang aking takot sa heights. Isa kasi sa mga adhikain ng aming pagsasanay na iyon ay malabanan ang takot sa pamamagitan ng mga nagsisitaasang Zipline at ‘ung tinatawag nilang Rapelling. Sa buong buhay ko, noon ko lamang naranasan ang kakaibang fulfilment ng matapos ko ang naturang mga aktibidad.
14. Handmade Bracelet (mula sa mga lumang magazine) –Minsang lumahok ang aming paaralan sa isang ‘fun run’ para sa Ilog Pasig, ito ay ‘yung noong nakaraang taon. Ang token na ibinigay para sa mga lumahok sa naturang programa ay isang handmade na bracelet na mula sa mga lumang magazine. Sa dinami –dami ng lumahok sa naturang programa, hindi lahat ay nabigyang ng naturang ‘token’ at isa ako sa mga hindi pinalad na iyon. Pero pagkatapos ng araw na iyon, ang aking malapit na kaibigan isa rin sa mga lumahok sa programang iyon ay binigyan ako ng katulad na bracelet, ibinigay niya sa akin iyon bilang tanda ng aming pagkakaibigan. Ngayon, palagi ko itong isinusuot dahil talagang nasiyahan ako ng husto noong mga panahong iyon.
15. Ang aming bahay –Sabi ng aking mga magulang, mahalaga sa isang tao ang kanyang sariling tahanan. Kaya, masasabi ko na lubhang mahalaga at talagang napapasaya ako ng aking sariling tahanan. Narito sa loob ng aming tahanan ang aking mga kalakasan gayundin ang mga pilit kong itinatagong kahinaan. Narito rin sa loob ng aming tahanan ang pangunahing nagbibigay sa akin ng lakas at lubos na kasiyahan, ang aking magulang at mga kapatid.
16. Ang aking ‘singko’ –Nakakahiya man na aminin, ngunit minsan na rin akong nagkaroon ng isang nakakahiyang marka sa transcript, ito ay ang aking ‘singko’ sa College Algebra. Nasa unang taon ako noon ng kolehiyo ng matamo ko ang naturang marka, pero sa tuwing nakikita ko ito ay labis akong nasisiyahan sapagkat kung hindi ako nagkaroon ng naturang marka, hindi siguro ako magtitiyaga na mag –aral ng mabuti. Lalo na ng mga asignatura na minsan kong inisip na wala namang halaga sa akin.
17. Ballpen at Papel –Makabago na nga ang ating henerasyon ngayon, nariyan na ang mga desktop computers at laptop, gayunpaman, hindi pa rin nawawala sa akin ang isa sa mga una kong naging kaibigan sa pagsusulat, ang aking ballpen at papel. Dati –rati, nakakailang ‘scratch’ na papel ako bago ako tuluyan makalikha ng isang komposisyon. Pero ngayon, uso na ang laptop at computer, hindi ko na kailangan pang mag –aksaya ng papel at tinta ng ballpen kapag puro ‘drafts’ lang at ‘scratch’ ang ginagawa ko.
18. Ang aking mga ‘obra’ –Sa tagal ko na rin siguro sa pagsusulat (ng kung ano –ano) ay maaaring makabuo na ako ang isang libro na kalipunan ng aking mga obra. Iyon nga lamang, halos wala na akong oras para tipunin pa sa iisang kwaderno na lamang ang lahat ng aking mga naisulat na, pero sa tuwing nakikita ko ang mga ito kapag ako’y naghahalungkat ng mga lumang gamit ay palagi akong napapangiti.
19. Medal –Hindi naman sa nagyayabang, pero noong elementarya ako, hindi nawalan ng isang taon na hindi ako nag –uwi ng medalya sa aming tahanan. Minsan nga iniisip ko parang ang galing –galing ko pala noong bata ako, sapagkat nagagawa kong mangibabaw sa maraming bagay.
20. Jacket – Damit panlamig na madalas kong dala –dala saan man ako magpunta. Mahina kasi ang aking katawan sa lamig, kaya kapag ako’y nasa aming klase, madalas akong nakasuot ng jacket. Pero mayroon akong jacket na talagang ‘memorable’ sa akin. Minsa’y nagtungo ako sa Tagaytay, ngunit wala akong dalang jacket. Unang beses ko pa lamang kasing magtungo sa lugar na iyon kaya hindi ko alam na malamig pala doon. Halos hindi ko kayanin ang lamig sa lugar na iyon, mabuti na lamang at may isa akong kaibigan na may extra jacket ng mga oras na iyon. Ipinahiram niya iyon sa akin at hindi na muling ipinasauli pa.
21. Ang aking cabinet –Sa tingin ko maaring maihalintulad sa isang ‘news morgue’ ang aking cabinet, dahil na rin sa dami ng papel, dyaryo at libro na nilalaman nito. Mahilig kasi akong magtago ng mga papel o mga ginamit ko sa paaralan kahit alam kong malabo ko na itong mapakinabangan ulit. Minsan nga’y nagagalit na ang aking ina kapag nakikita niya na palaging nagugulo ang cabinet na ito, paano’y madalas ko itong halungkatin kapag nais kong magbasa ng mga luma kong komposisyon.
22. Sing –sing –Isa sa mga bagay na nakapagpasaya sa akin noong nakaraang taon ay ang sing –sing na ibinigay sa akin ng aking minamahal. Couple’s ring ang tawag doon. Wala naman ibig sabihin ang sing –sing na ibinigay niya sa akin, ito’y isa lamang regalo mula sa kanya noong nakaraang kapaskuhan.
23. Ang una kong obra na nailathala sa pahayagang ito –Nasa unang taon ako sa hayskul noong suwertehin akong makapagpalathala ng isa sa aking mga obra dito sa pahagyang ito, sa Bagong Sibol. Sa totoo lang, hindi ko na rin matandaan kung ano ang pamagat noon sapagkat nawala lahat ng kopya ko ng mga iyon, ngunit ang natandaan ko lang ay ang dalawang pang sumunod na tula at maigsing kuwento na nailathala rin dito, ‘yung Huling Pagkakataon at Si BabaChiChi.
24. Regalo sa akin ng aking matalik na kaibigan –Isa sa mga bagay na nakapagpasaya sa akin ay ang regalo sa akin ng aking matalik na kaibigan na si Crystal. Magkaklase kami noong hayskul ngunit hindi na ngayon nasa kolehiyo na kami. Kahit na magkahiwalay na kami ng pinapasukan, nagkakaroon pa rin kami ng komunikasyon sa isa’t –isa. Noong kaarawan ko, nais niyang makipagkita sa akin upang ibigay ang kanyang regalo, ngunit hindi iyon matuloy –tuloy hanggang sa maibigay niya ito sa akin halos ngayong taon na lamang. Masaya ako sapagkat ni minsan ay hindi niya nakalimutan na batiin ako sa aking kaarawan at higit sa lahat, ipinaramdam niya sa akin na mananatili akong mayroong isang kaibigan na pupuwede kong takbuhan sa oras ng aking pangangailangan.
No comments:
Post a Comment