Monday, February 14, 2011

Dear Diary



Nasasabik na ako sa pagsapit ng Araw ng mga Puso. Ano kaya ang pakiramdam ng isang babae kapag dumarating ang ganitong okasyon? Lalo na kung siya ay mayroong kasintahan? Ito ‘yung mga bagay na palagi kong iniisip at inaasam –asam sapagkat ni minsan ata’y hindi ko pa naranasan ipagdiwang ang Araw ng mga Puso na may kasintahan, ngayon pa lamang.

Noon , palagi ako naiinggit sa mga kaibigan ko. Labis akong naninibugho sa mga kwento nila kung paano nila ipinagdiriwang ang okasyon na ito. Nariyan na nagpupunta sila sa mga simpleng pasyalan kapiling ang kanilang mga minamahal, meron naman na kumakain lamang sa mga restaurant na may iba’t –ibang ‘gimik’ para sa okasyon na ito, at nariyan din ung pagpunta sa mga mall upang manood ng mga libreng konsyerto ng mga artista at musikero.

Iniisip ko tuloy ngayon, paano kaya naming ipagdiriwang ang napakasayang okasyon na ito?

Parang nais ko tuloy mabasa ang nilalaman ng isipan ng aking minamahal, gusto kong malaman kung anong klase ng sorpresa ang inihinanda niya para sa nakakapanabik na araw na ito. Naniniwala ako na pinaghandaan niya ito, sapagkat iyon ang pagkakakilala ko sa kanya.

Pero kung tatanungin niya ako, ang nais ko sana sa Araw ng mga Puso ay mabigyan kami ng isang araw na pahinga sa lahat ng bagay. Kung pwede nga lang sana na holiday na lamang ang okasyon na ito para wala sanang pasok sa paaralan. Nais ko rin na sana, lumabas kami, magtungo sa mall at tumingin ng mga magagandang pangregalo sa isa’t –isa, kumain sa paborito kong kainan, at pagkatapos ay manood ng isang pelikula sa sinehan. Mababaw lang naman ang pangarap ko, hindi ba? Dati kasi, kapag sumasapit ang araw na ito, palagi lamang ako nasa aming tahanan. Nanonood ng palabas sa telebisyon, at pagkatapos ay matutulog. Sana magmula ngayon, lagi na maging makabuluhan ang pagsapit ng Araw ng mga Puso sa buhay ko. Sana.

No comments:

Post a Comment