Halos mag-iisang taon na rin nakapiit sa Bilibid si Dino.
Bakas sa kanyang mukha at pangangatawan ang labis na panghihina dulot ng kanyang pamamalagi sa loob ng kulungan. Para sa isang disinuebe anyos na binatang katulad niya, siya sana ay nasa isang pamantasan, pumapasok suot ang isang unipormeng pang-estudyante at may dala dalang backpack na naglalaman ng mga kagamitang pang-eskwela. Pero heto si Dino, kasalukuyang hinihimas-himas ang malamig at kinakalawang na rehas ng Bilibid, habang ang mga kasama niya sa loob ng piitan ay katulad niya rin, mga nagkasala sa batas ng bansa ngunit tila hindi iniinda ang saklap ng kanila ng dinaranas.
Naalala ni Dino ang mga oras na wala pa siya sa loob ng malamig na rehas na iyon. Gabi iyon, mga alas otso, kagagaling lamang niya sa eskwelahan. Nakasuot pa nga siya ng P.E. uniform. Naglalakad siya sa kahabaan ng Recto avenue ng biglang makarinig siya ng isang malakas na sutsot na nagmumula sa kanyang likuran. Hindi niya iyon pinansin sapagkat ang nasa isip niya, kung siya ay kilala ng taong iyon ay tatawagin siya nito sa kanyang pangalan.
Ngunit lumakas pa ang sutsot sa kanya, at maya maya pa’y naramdaman niya ang isang kalabit mula sa kanyang balikat.
‘Hoy p’re, kanina pa kita sinusutsutan ah’ ani ng lalaki na bigla na lamang tumambad sa kanyang harapan.
‘Sino ka ba? Bakit ba sutsot ka ng sutsot sa likuran ko? Ngayon nama’y kinalabit mo ako,’ ani Dino.
‘Hindi mo ba ako nakilala? Ako ito, si Eric’ pagpapakilala ng lalaki.
Minasdan niyang mabuti ang lalaking nagpapakilalang Eric. Maitsura ito, matipuno ang pangangatawan. Nakasuot ito ng unipormeng pang-estudyante mula sa ibang pamantasan, pero ang kanyang pansapin sa paa ay tsinelas na sa tantya niya’y nasa halagang isang daan piso lamang.
‘Ang cheap’ ani Dino sa kanyang isipan.
Maya maya’y biglang niyakap si Dino ng lalaking nagpapakilalang Eric. Niyakap siya nito ng pagkahigpit-higpit. Hindi niya alam kung bakit pero kinilabutan siya sa ginawa ng estrangherong lalaki. Agad na humulagpos sa mahigpit na pagkakayakap si Dino, at sinigawan niya ang lalaki.
‘Walang hiya ka! Sino ka ba para yakapin ako sa harap ng maraming tao?! Hindi kita kilala! Mandurukot ka ‘ata e!’ nagsisigaw na pahayag ni Dino.
Hindi sumagot ang lalaki. Ngumisi lang it okay Eric at sabay tumalikod sa kanya na parang walang nangyari.
Nakatingin lang din kay Dino ang mga tao sa kaniyang paligid. Panay ang bulungan ng mga tindera sa bawat sulok ng lugar na iyon. Napikon si Dino, inikot niya ng tingin ang mga taong panay ang bulungan.
‘Ano? Ano? Bakit hindi niyo isigaw? Puro kayo bulungan. Mga makakati ang dila pero panay bahag naman ang inyong mga buntot!’ sigaw ni Dino sa mga taong nakapaligid sa kanya. Inikot niya muli ng tingin ang paligid. Maraming nagtitinda ng kendi, lumang libro, medalya’t trophy, at mga pagkain.
Ilang saglit pa’y nagpapatuloy na muli siya sa paglalakad.
Sa kanyang patuloy na paglalakad, nakarating siya sa isang kalapit na department store. Naisip niyang pumasok dito upang magpalamig, nais niyang magpalamig.
Upang makapasok sa pintuan ng department store, kailangan niyang pumila upang ipasiyasat ang kanyang mga gamit (may pila sapagkat sinisipat-sipat ng mga guard ang mga bag ng bawat taong papasok sa mall). Dumating ang kanyang pagkakataon para matignan ng mga guard ang kanyang kagamitan, binuksan niya ang kanyang bag at ilang saglit pa’y laking gulat niya ng bigla siya nitong hawakan sa braso –isang mahigpit na hawak.
‘Ano to? Shabu?’ tiim-bagang na tanong ng guwardiya kay Dino.
Doon lamang niya napansin na may kung anong transparent na plastic sa kanyang bag, at sa loob nito’y may kung ano ring puting ‘pinulbos na tawas’.
Nagitla siya sa kanyang nakita. Hindi niya alam kung saan kung galing iyon, ang alam lang niya’y hindi kanya ang bagay na ‘yun.
‘Teka manong guard, hindi ko alam ‘yang sinasabi mo!’, pagtatanggol na sabi ni Dino.
‘Anong hindi? Eh sa bag mo nakita diba? ‘Wag mo nang itanggi pa. Ang tibay ebidensya, bata’, ani ng guwardiya.
‘Hindi nga akin ‘yan! Imposible! Labas-masok ako ng eskwelahan naming kanina kaya imposible ‘yan. Kung akin man ‘yan siguradong kanina pa ‘yan nakita na ‘yan ng mga guard sa amin’ ani muli Dino.
‘Wag ka na nga sabing magsinungaling. Estudyante ka pa man din tapos durugista ka pala! At amoy alak ka pa, sigurado kong sa’yo itong plastic na to!’ pagpupumilit ng guwardiya.
Pinindot ng guard ang kanyang radio at animo’y may sinabi itong importante sa linya. Ilang sandali pa’y nagtungo na rin ang ibang mga guwardiya sa mismong kinatatayuan nila. Sa mga oras na iyon, pinagtitinginan na siya muli ng mga taong sa paligid nila.
Agad siyang pinosasan ng isang guwardiya at kinaladkad patungo sa loob ng mall. Samantala, ang kanyang bag naman ay binuhat ng isa pang guwardiya.
Nagtungo sila sa opisina ng mga guwardiya sa loob ng mall na iyon. Habang nakaposas, siya ay pinaupo sa isang silya.
‘Maya maya pa’y parating na si Chief dito. At kukunin na nila sa atin ang batang ‘yan’ wika ng isang guwardiya.
Napaisip si Dino. Itturn over siya sa police, at kapag binigay siya nito sa mga police, siguradong ikukulong siya.
‘Malas na buhay ito! Bakit ba nasa bag ko ‘yun! Hindi akin ‘yun!’ malakas na paghihimutok ni Dino sa kanyang sarili.
Naisip niya, hindi maaring malaman ito ng kanyang mga magulang. Siguradong mag-iisip ang mga ito ng kung anu-ano. At panigurado rin na maniniwala ang mga ito sa maling bintang sa kanya. Naging pasaway kasi siya, hindi nakikinig sa pangaral ng mga magulang, napabarkada, at halos hindi na rin nag-aaral ng matino.
Sa pag-iisip niya’y hindi niya namalayan ang pagdating mga pulis.
‘Hindi mo ba alam na napakalaki ng pagkakasala mo? Napakaraming shabu nito! Tiyak kong habambuhay ka nitong makakukulong!’ pumapalatak na wika ng pulis na humarap sa kanya.
‘Hindi nga po akin ‘yan, hindi ko alam kung paano ‘yan napunta sa bag ko. Hindi ako adik!’ nagmamatigas na wika ni Dino sa pulis.
‘Nakita ng mga guwardiya sa bag mo ang shabu, kaya paanong hindi sa’yo? Sabihin mo sa akin kung saan mo nakuha ‘yan!’ ani pa ng pulis.
‘Hindi ko nga po alam ‘yan! Wala po akong alam d’yan!’ naluluhang wika ni Dino.
‘Ha! Tapos iiyakan mo ‘ko ngayon! Imposibleng hindi mo alam ‘yan! Ganyan naman kayo kapag nahuhuli na, puro deny ng deny! And’yan na na ang ebidensiya e.’ wika pa nito kay Dino.
Hindi na nagsalita pa si Dino. Naiyak na lamang siya sa galit. Hindi niya lubos maisip na masusuong siya sa ganoong panganib. Maya maya pa’y isinakay na siya ng mga pulis sa isang mobil.
No comments:
Post a Comment