Friday, June 3, 2011

"Nang minsang Siya'y humingi ng tulong sa akin"

"Tok - tok - tok"
Bigla ako napabalikwas sa pagkakahiga nang marinig ko ang sunod -sunod na katok mula sa aming pintuang yari sa iskrin. Napatingin ako sa aming 'wall clock', halos mag -aalas tres pa lamang ng madaling araw. Sino naman kayang Herodes ang kakatok ng ganitong oras sa aming tahanan? Lahat kaming magkakapatid ay pawang nasa loob na ng aming tahanan, at panay nagsisitulog na rin ng mahimbing. Napaisip ako, ayoko munang magbukas ng pinto, ang dami -daming pumapasok sa isipan ko. Kinakabahan ako.

"Tok - tok -tok"
Sunod -sunod muli ang katok na aking narinig, pero ngayon ito'y mas malakas at tila nagnanais talaga na makatuloy sa aming tahanan. Mas lalo ako kinabahan, kung ang kumakatok ngang iyon ay kakilala namin, 'di sana'y tumatawag siya ng pangalan ng kahit sino sa amin. Pero walang tumatawag ng aming pangalan, tanging mga katok lamang ang aking naririnig. Sa loob -loob ko, sino siya para pagbuksan ko? Sa mga panahon ngayon, nakakatakot na ang magbukas ng pinto lalo na sa mga taong hindi kakilala, lalong -lalo na sa disoras ng gabi.

Sa pag -iisip kong ito ay hindi ko namalayan na ako'y nakakatulog na pala. Hanggang sa ako'y nakatulog na nga. Sa pag -gising ko, halos alas -dyis na rin ng umaga, parang walang bakas sa akin nangyari kagabi. Bigla ako napaisip, hindi kaya ako'y nananaginip lamang ng mga oras na iyon? Bakit tila hindi 'ata nalaman ng aking mga kasamahan sa aming tahanan ang nangyari kagabi? Ang mga katok kagabi, imposibleng walang makaalam noon. Kahit ang isang taong nagtutulog -mantika ay magigising sa ingay ng mga katok na iyon. Pero walang bakas ng nangyari kagabi ang aking nakita sa mga mukha ng aking mga kapatid. Parang ako lamang yata ang nakarinig noon.

Hindi ko na muling inisip ang mga pangyayaring iyon. Maaaring may pagkakamaling nangyari, pero alam ko sa loob ko na tunay ang mga katok na aking narinig, at iyon ay nangyari alas -tres ng madaling araw. Nagpatuloy ako sa aking araw, naghanda ako ng aking almusal, at inayos ang aking sarili para sa pagpasok ko sa aking trabaho. Tanghali na kasi halos ang oras ng aking trabaho, alas -dos ng tanghali (o hapon) hanggang alas -onse ng gabi. Nagtatrabaho ako sa isang 'call center', at ang buhay namin sa opisin ay madugo, hindi simple. Walang puwang ang mga maliliit na bagay sa aking utak kapag ako'y nagsimula nang magtrabaho.

Habang ako'y nasa bus at bumibyahe papasok ng trabaho, nahagip ng aking paningin ang isang batang babae. Maputi pero halatang napabayaan, para siyang naulila ilang araw pa lamang ang lumilipas. Medyo matingkad pa ang kulay ng kanyang mga suot na damit, at tila hindi pa siya sanay na magpalaboy -laboy sa kalsada. Biglang may kumurot sa akiing kalooban, at parang may bumubulong sa akin, 'babain ko raw ang batang iyon'. Tumingin ako sa aking 'wristwatch', tatlumpung minuto na lamang at mag -aalas dos na, mag -uumpisa na ang aking trabaho sa opisina. Wala na akong oras para bumaba at mag -abot ng tulong sa isang batang ngayon ko lamang halos nakita. Mabuti na lamang at nagpatuloy na sa pag -andar ang sinasakyan kong bus.

Dumating ako sa aming opisina halos bago mag -alas dos ng hapon. Laking pasasalamat ko at hindi ako nahuli sa pagdating, panibagong kaltas sa sahod ang aking aabutin kung sakali mang huli na akong dumating. Pagpasok ko sa aking 'work station', nakalimutan ko na rin ang batang gusgusin na gustong -gusto ko na abutan ng kaunting tulong ngunit hindi ko nagawa. Isinubsob ko ang aking sarili sa harap ng aking 'computer' at nagsimula na akong gumanap sa aking trabaho.

Maya -maya lamang ay may pumasok na tawag, 'local call'. Hindi ko alam bakit nagkaroon ako ng 'access' sa isang lokal na tawag. Hindi sakop ng aking opisina ang mga tawag na nagmumula sa Asya. Latin America ang aking 'area of concern', pero wala akong magawa kundi tanggapin na lamang ang tawag na iyon. Ayokong lumabag sa aking pinaka -pangunahing responsibilidad, ang tumanggap ng tawag mula sa nangangailangan ng tulong. Binabayaran ako ng aming kompanya para maghatid ng tulong sa mga taong tumatawag sa aming linya.

Bigla ko naalala ang mga katok kagabi sa aming tahanan, at ang nakakaawang imahe ng batang gusgusing. Napailing ako sa pagkagitla, at napaisip, hindi kaya ang Panginoon ang aking tinanggihan ng mga oras na iyon? Pakiramdam ko'y gusto kong umiyak, at iuntog ang aking ulo sa pader. Tinanggihan ko ang Panginoon, hindi ko hinayaan ang sarili ko na mag -alay ng tulong sa kanya. Makasarili ako, sobra. Panginoon ko, patawarin Niyo po ako, ang tangi kong naiusal.

Naalala ko, hawak ko ang telepono, at nakikinig sa akin ang nasa kabilang linya. Nilinawan ko ang aking boses at saka humingi ng patawad sa kabilang linya sapagkat hindi ko siya kinausap agad. Ngunit tanging dialtone lamang ang aking narinig, at walang nakarehistrong tawag mula sa aking log sa computer.

__WAKAS__

No comments:

Post a Comment